Different flavors.

Different flavors.

Monday, November 21, 2011

Munting Silip sa Tugatog


            Sa humigit kumulang anim na raang beses nang pagsikat ng araw ako ay walang ibang ipinalangin kung hindi ang isang beses na paghatid nito ng kakaibang init na makapagdadala sa akin doon sa tugatog. Habang aking ginugunita ang inakala kong napakatagal na paghihintay, wari ay dalawang pikit lamang ng mga mata ang kinailangan upang kahit ang nainitang hangin ng sikat ay dumampi sa aking balat.

Noong una, ang dampi ay nagdala ng kakaibang kaba. Isang hindi kapanipanibagong pakiramdam ngunit ngayon ay may kaunting ipinagkaiba sa aking kinagisnan. Humakbang ako paitaas ng entablado at hindi na nagtaka sa natatanging bagay na nakamasid sa akin. Ilang sandali lamang bumuka na ang aking bibig at mabilis na inutay utay ang mga salitang aking minadaling isulat habang paparoon sa lugar. Makaraan ang ilang minuto ng pagtatanghal sa entabladong may iisang lente ang dinadalang bigat ng damdamin ay napalitan ng galak sa puso. Sa aking isipan ay naglaro ang  mga salitang naglalarawan ng pag-asa—pag-asang sa hinaharap ay matanaw rin kahit sa pagsilip iyong tugatog.

Tik tok ang sabi ng kampay. Dumaan ang buwan, linggo, at mga araw na puno ng katahimikan. Ako ay naghintay, pasilay-silay sa pulang ilaw ng telepono, nagbabakasakaling hindi ko lamang naririnig ang pag-tunog nito. ‘Nakalulungkot, ganyan talaga.’ nasabi ko sa aking sarili. ‘Haha. Sabagay isipin ang pag-aaral.’ pinilit kong tumawa at umiwas. Umiwas na sumilay doon sa nakabubulag na liwanag.

Ako ay lumayo, pansamantalang kinalimutan ang tugatog. Inakalang ito ang pinakamarapat na gawin upang maiwasan ang panang tagos-tadyang kung tumama. Ngunit sa paglayo, ako ay napaisip, nalaman: ang pagsuko, hindi ba kaduwagan?. Napangiti ako at sinabi sa sariling hindi mainam malihis sapagkat kung gaano kasidhi ang pagkagusto ay siya din dapat tatag ng tao.

Tik tok ang sabi ng kampay. Daraan na naman ang buwan, linggo, at mga araw ng pasukan. Ako ay papalabas na ng bahay, hindi na makapaghintay, nang aking biglang naibaling ang atensyon sa teleponong dati-rati ay tahimik. Nanibago sa berdeng ilaw na noon ay pulang pagkasakit-sakit sa mata. Dali-dali akong kumaripas at pinakinggan ang mensaheng hatid ng tagapagbalita. Tumagal lamang ng ilang minuto ang aming pag-uusap ngunit tila ang mensaheng ibinatid sa akin ay magpapauli-ulit sa tainga ng ilang milenyo. Ilang sandali ang nakalipas, namulat akong nagpapasalamat sa Maykapal para sa napakagandang balitang narinig.

Wala akong mapagsilan ng tuwa.

Pagkalabas sa pintuan, humigop ako nang malamig na hangin, pinakiramdaman ang init ng sinag, tumingala, at muling nagpasalamat para sa isang munting pagsilip tungo doon sa tugatog.

No comments:

Post a Comment